Pinag-iingat ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng mga gamot mula sa hindi awtorisadong sources tulad ng medical doctors, hindi lisensyadong clinics, at iba pang health facilities.
Ito ay matapos mapukaw sa atensyon ng ahensya na may ilang medical doctors, clinics at health facilities ang nagbebenta ng drug products na walang proper authorization mula sa FDA.
May ilang produkto na ibinebenta na walang supervision mula sa pharmacist at may ilan ding hindi nag-iisyu ng resibo na paglabag sa kasalukuyang trade at revenue regulations.
Ayon kay FDA Director General Samuel Zacate, nagbabala sila sa pag-access ng mga drug products mula sa hindi awtorisadong sources at pinaalalahanang sumunod sa regulasyong itinakda ng regulatory agencies.
Pinapayuhan ng FDA ang publiko na huwag mag-avail ng gamot mula sa klinika ng mga doktor maliban na lamang kung ito ay awtorisado.
Sa ilalim ng Republic Act 10918 o Philippine Pharmacy Act, ang dispensing ay prosesong ginagawa ng mga pharmacist mula sa pagbasa, pag-validate, pag-intindi ng prescriptions, paghahanda, packaging, labeling, record keeping, dose calculations, at counseling na may kaugnayan sa pagbebenta o paglipat ng pharmaceutical products mayroon o walang prescription o medication order.
Binigyang diin ng FDA na ang dispensing ay exclusive activity ng isang pharmacist, at ginagawa lamang sa loob ng isang lisensyadong establisyimento.
Batay naman sa Republic Act 3720 na inamiyendahan ng RA 9711, ang Department of Health (DOH) ay nag-isyu ng Administrative Order No. 2020-0017 kung saan nire-require ang mga establishments na nagbebenta at mag-alok ng produkto na kailangan ng License to Operate o authorization mula sa FDA bago gawin ang naturang aktibidad.
Samantala, paalala rin ng FDA sa lahat ng lisensyadong drug manufacturers at distributors na hindi sila awtorisadong magbenta sa hindi lisensyadong outlets, kabilang ang clinics at medical doctors.






