Hindi pinahintulutan ng korte ang hiling ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy na dumalo sa isang live television interview na may kaugnayan sa paghahain niya ng certificate of candidacy (COC) sa pagkasenador sa Midterm Elections.
Sa tatlong pahinang kautusan, iginiit ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang mga banta na may kaugnayan sa public statements na posibleng bitawan ni Quiboloy sa naturang interview.
Dagdag ng korte, ang ano mang pahayag ay maaaring makaimpluwensya sa pananaw ng publiko sa nagpapatuloy na proceedings.
Matatandaang naghain ng mosyon si Quiboloy para payagan siya ng korte na makadalo sa interview na inorganisa ng ABS-CBN News Channel (ANC).
Subalit ang mosyon ay walang kasamang formal invitation mula sa TV Network hinggil dito.
Si Quiboloy ay nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act (RA) No. 9208, Section 5(b), at Section 10(a) ng RA 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.





