Naging mapayapa sa pangkalahatan o generally peaceful ang pagdiriwang ng Pasko sa buong bansa ngayong taon.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo, bagamat naging matiwasay ang Christmas celebration, marami ang nasaktan at nasugatan dahil sa firearms at firecracker-related incidents ngayong holiday season.
Sa datos ng PNP nitong December 25, 19 firearm at firecracker-related incidents ang naitala sa bansa.
Anim na kaso ng illegal discharge ng firearms ang kanilang naitala habang isa ang nasugatan; at pitong kaso ng illegal use, possession at pagbebenta ng firecrackers ang kanilang naiulat kung saan lima ang nasugatan.
Iniulat din ni Fajardo na nakapagkumpiska ang PNP ng 34,031 na piraso ng ipinagbabawal na paputok tulad ng piccolo, pop pop, five star, pla-pla, giant bawang, Judas’ belt, boga, kwiton, sawa, Roman Candle, at Kingkong at iba pa na tinatayang nagkakahalaga ng P180,240.
Pagdating sa focus crimes o mga krimeng madalas na nangyayari tuwing Pasko, bumaba ng 66.34% kumpara noong nakaraang taon.
Ang walong focus crimes ay murder, homicide, physical injuries, rape, theft, robbery, carnapping, at pagnanakaw ng motorsiklo.
Dahil dito, paalala ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr. sa 232,675-strong PNP personnel na panatilihin ang proactive stance para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat.






