Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang retroactive payments para sa education grants ay inihulog na sa bank accounts ng mga reinstated beneficiaries ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Mababatid na sinuspinde ito noong 2023 dahil sa isinagawang household reassessments gamit ang Social Welfare and Development Indicator Tool (SWDI) Tool, na siyang nagbalik sa higit 700,000 households sa programa.
Ayon kay 4Ps National Program Manager and Director Gemma Gabuya, ang rectroactive payments para sa 10-buwang education grants para sa 2023 ay inihulog na sa accounts ng nasa 650,000 4Ps household beneficiaries.
Samantala, nilinaw din ni Gabuya na ang naantalang health grants at rice subsdiaries para sa 650,000 households ay naipamahagi na rin sa pagitan ng Disyembre 2023 hanggang Hunyo 2024.
May panibagong batch na 120,000 reinstated 4Ps households ang inaasahang makatatanggap ng retroactive payments para sa education grants, health grants, at rice subsidiaries sa Agosto 17.
Sa ilalim ng 4Ps program, bawat household beneficiary ay makakatanggap ng health at nutrition grant na 750 pesos kada buwan at rice subsidiary na nasa 600 pesos kada buwan. May ibinibigay ding education grant depende sa lebel o antas ng estudyante.




