Maituturing na ‘symbolic’ para kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mabilis na pagkikita nina Pangulong Bongbong Marcos at dating Vice President Leni Robredo.
Matatandaang kabilang si Robredo sa bumati at nakipagkamay kay Pangulong Marcos kasabay ng pagdalo niya sa inaugurasyon ng Sorsogon Sports Arena nitong Oktubre 17, 2024.
Ayon kay Escudero, ang naturang gesture ay pwedeng matutuhan ng iba pang pulitiko.
Kaya aniya naging ‘symbolic’ dahil magkakalaban sila sa political arena. Silang tatlo ay tumakbo noon bilang bise presidente noong 2016 at si Robredo ang nanalo.
“Para sa akin symbolic yun dahil sa sports arena kami nagkasama-sama— ang odd trio,” sabi ni Escudero.
Gayumpaman, hindi nagkaroon ng pagkakataon na magkausap sina Robredo at Pangulong Marcos sa event.
“Nagbatian lamang sila. Tingin ko ito ay unang hakbang tungo sa paghilom ng kung ano mang sugat, ano mang hindi pagkakaunawaan,” ani Escudero.
Inimbitahan ni Escudero si Robredo bilang siya ay kapwa kababayang Bicolano at sinamahan sa The People’s Mansion, ang museo ng lalawigan ng Sorsogon, at kanilang provincial disaster risk reduction and management office.




