Naniniwala si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ang pagpasok ng multinational automotive firm na Tesla sa Pilipinas ay hakbang tungo sa pangmatagalang solusyon bilang environment-friendly transportation system.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Tesla Philippines sa Lungsod ng Taguig nitong Lunes, Enero 20, 2025, sinabi ni Pangulong Marcos na isang mahalagang hakbang ito para sa Pilipinas para malabanan ang Climate change.
“While it is true that electric vehicles are currently seen as premium products, Tesla’s entry into the Philippine [market] signals much more than high-tech cars on the road. It is a step – a very significant step forward to our long-term transformation towards a more environment-friendly transportation system,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Bagamat maituturing na isang ‘complex journey’ aniya ang ginagawang transition patungong electric vehicles. kailangan ng vision at ‘strong and committed action’ para maging practical, inclusive, at impactful sa bawat Pilipino.
Umaasa rin si Pangulong Marcos na makakapag-manufacture ang Tesla ng kanilang mga sasakyan dito sa Pilipinas.
Binigyang diin din ni Pangulong Marcos ang mga reporma at polisiya ng pamahalaan upang makaakit ng pamumunuhan sa bansa.
Binanggit ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Act kung saan tinanggal ang excise taxes sa battery electric vehicles at Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA na nagbibigay ng duty-free importation para sa charging stations, pagbaba ng user fees para sa EV owners, at pagpapaprayoridad ng registration at traffic privileges.
Inihayag din ni Pangulong Marcos ang mga panukalang magpapatibay at magsusulong sa commitment ng pamahalaan sa clean energy. Kabilang ang Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI) na layong maabot ang 50-porsyentong electric vehicles share sa Pilipinas pagsapit ng 2040, at ang pag-iisyu ng Executive Order No. 62 na layong mapababa ang tariff rates sa zero hanggang 2028 sa pure electric o hybrid four-wheel at motorcycle EVs.





