LEGAZPI CITY, ALBAY – Dinipensahan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang isyu nila ni Mr. Supranational Philippines 2016 Alberto De La Serna matapos lumabas ang dokumentong nagsasabing pinondohan umano niya ang travel expenses ng nasabing male pageant winner sa kanilang trips sa Europe noong 2023.
Matatandaang kamakailan nang i-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga (POGO) hub sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga noong nakaraang linggo kung saan narekober ang mga dokumentong may lagda ni Roque.
Ayon sa PAOCC hindi raw maituturing na kriminal at kahina-hinala ang naturang dokumento.
Ilan umano sa mga ito ay ang appointment paper at affidavit of support para sa executive assistant ni Roque na si Mr. Supranational Philippines 2016 Alberto De La Serna na may Salary Grade-20 o sahod na mahigit P54,000, epektibo mula Enero 4, 2021 hanggang Disyembre 31, 2021.
Nakasaad din sa affidavit of support na pinondohan ni Roque ang travel expenses ni De La Serna kung saan isinama niya ito papuntang Poland, Ukraine, at Italy mula Oktubre 9, 2023 hanggang Oktubre 18, 2023 dahil kailangan daw niya ng kasama abroad at siya ay “diabetic.”
“I need a travel companion since I am diabetic, with coronary stent and suffering from acute spinal stenosis,” ani Roque.
Dahil dito, naging usap-usapan online ang ugnayan ng dalawa na agad ding sinagot ni Roque.
Aniya, dati niya itong empleyado at galing sa isang political family. Isa rin itong IT na nag-handle ng kaniyang social media presence noong nasa Malacañang pa siya at panahon ng eleksyon.
Mariin din niyang itinanggi na may kaugnayan siya sa POGO hub na ni-raid sa Pampanga.




