Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko patungkol sa panganib na paggamit ng paputok habang papalapit ang Bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa DOH, nakakabahala ang maraming bilang ng mga kabataang patuloy na gumagamit ng paputok na nauuwi sa injuries.
Dito ay binigyang diin ng DOH ang mga posibleng maidulot ng paggamit ng paputok, kabilang ang kamatayan, pagkaputol ng mga daliri, kamay, at iba pang bahagi ng katawan, pagkabulag o eye irritation, pagkawala ng pagdinig, pagkasira ng baga at iba pang organs, pagkalason dahil sa firecracker ingestion, pagpaso ng balat.
Sa huling datos ng DOH, nasa 101 na ang naitalang firecracker-related injuries sa buong bansa.
Naitala ito mula sa Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Western Visayas, Ilocos, at Central Visayas.
Ayon kay Health Assistant Sec. Albert Domingo, ang karaniwang dahilan ng injuries ay paggamit ng ilegal na paputok tulad ng boga, five star, at picolo.
Binigyang diin ni Domingo na ang kwitis ay kabilang sa Top 4 causes ng fireworks-related injuries sa kabila ng pagiging legal firecracker.
Karamihan sa mga kaso ay nasugatan sa mata, kamay, binti, at balikat.
Bukod dito, nakapagtala ang DOH ng 284 road traffic incidents sa gitna ng holiday season, kung saan 53 insidente ay may kinalaman sa drunk driving, 249 drivers ang walang safety accessories, at 196 ay motorcycles.
Kaya ipinaalala ng DOH na huwag magmaneho kung nasa impluwensya ng alak, at magsuot o helmet, at gumamit ng seatbelt, at sumunod sa speed limit.
Samantala, ang mga ospital ay nasa ilalim ng Code White mula December 21 hanggang January 6 bilang paghahanda sa health emergencies sa gitna ng Pasko at Bagong Taon.
Sa ilalim ng Code White, ang lahat ng health workers kabilang ang general at orthopedic surgeons, anesthesiologist, internist, operating room nurses, opthalmologist, at otorhinolaryngologist ay naka-stand by sa mga ospital para tumugon sa medical emergencies ano mang oras.
Sakop ng Code White Alert ang Operations Center (OPCEN) para makipag-coordinate sa DOH regional and central office.
BOGA
Tinutunton naman ng Philippine National Police (PNP) ang mga tao na nasa likod ng tutorial kung paano gumawa ng ipinagbabawal na boga na kumakalat online.
Sa isang CCTV, makikita ang dalawang bata na nagpapaputok ng boga sa harap ng kanilang bahay, at pinagsabihan sila ng isang residente at ng barangay officials.
Ayon sa mga bata, natutuhan nila ang paggawa ng boga mula sa isang TikTok video.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, mayroong kakaharaping kaso ang sino mang gumagawa ng mga ganitong klaseng video.
Pinaalalahanan din ni Fajardo ang mga magulang na patnubayan ang kanilang mga anak at ilayo sa paglalaro ng boga.





