Pinamamadali na sa Kamara ang deliberasyon para itulak ang panukalang P200 wage hike, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang inanunsyo ni Romualdez matapos makipagpulong sa mga labor groups nitong Martes, Enero 28, 2025.
Sa statement, sinabi ni Romualdez na makakatulong ang naturang panukala para tugunan ang mga pangangailangan at matiyak ang balanse sa welfare ng mga manggagawa at sustainability ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Dagdag pa ni Romualdez, ang huling major wage increase ay nangyari tatlong dekada na ang nakakaraan sa ilalim ng Wage Rationalization Act of 1989.
Naniniwala si Romualdez na makakatulong din ito para mapalakas ang consumer spending, na magpapasigla ng pagnenegosyo at paglikha ng trabaho, na makakatulong sa ekonomiya ng bansa.
Samantala, batay sa December 2024 data ng Department of Labor and Employment (DOLE), naaprubahan ang wage increase sa bansa ng 14 na Regional Tripartite Wage Productivity Boards kung saan limang milyong manggagawa ang nakinabang.
Kabilang sa mga rehiyon ay ang: National Capital Region (NCR); Cordillera Administrative Region (CAR); Region 1; Region 2; Region 3; Region 4-A; Region 4-B; Region 6; Region 7; Region 8; Region 9; Region 10; at Region 12
Ang wage hikes ay nasa pagitan ng P21 hanggang P75.




