Maaari nang matanggap ng mga indigent senior citizens ang kanilang social pension na ‘monthly,’ ‘bi-monthly,’ o ‘quarterly’ mula sa dating semi-annual schedule.
Sa memorandum circular na inilabas ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD), inaatasan ang lahat ng regional directors na ang semestral payments ay ipagbabawal na simula Hulyo 01.
Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng DSWD Field Offices (FOs), sa pamamagitan ng kanilang regional directors na sundin ang bagong schedule ng social pension payout. Ito ay upang matiyak na madalas na matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang pensyon sa halip na kada anim na buwan lamang.
Nakasaad din na kung malabo ang buwanang paglalabas ng social pension, ang papayagan lamang na frequency ay bi-monthly o quarterly.
Binibigyan din ng exemption ang buwanang pagbibigay ng pensyon lalo na kung ang mga benepisyaryo ay nakatira sa Geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs), o mga lalawigan, lungsod, o munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity o nakararanas ng natural o human induced crises, tulad ng armed conflict.
May exemptions din sa mga hindi inaasahan at hindi maiiwasan o makontrol na sitwasyon, na iva-validate ng kani-kanilang field offices.
Ang Social Pension (SocPen) ay additional government assistance sa ilalim ng republic Act 9994, o Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagbibigay ng P500 kada buwan sa mga indigent senior citizens para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa ilalim ng Republic Act 11916, o An Act Increasing the Social Pension of Senior Citizens” ang buwanang pension ng mga indigent senior citizens ay itataas sa 1,000 pesos, mula sa dating P500, simula Enero 2024.
Ang mga tinutukoy na indigent senior citizens ay mahihina na, may sakit o baldado, walang pensyon, walang permanenteng pagkakakitaan, walang kompensasyon o financial assistance mula sa mga kaanak para suportahan ang kanilang pangunahing pangangailangan.






