‘He’s lying’
Ito ang tugon ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga komento ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa 2025 National Budget, na mayroong iregularidad sa pambansang pondo tulad ng blank items.
Ayon kay Pangulong Marcos, naging presidente si Duterte at dapat alam niyang hindi dapat maipapasa ang General Appropriations Act (GAA) kung may blangko ito.
“He’s lying. He’s a president. He knows that you cannot pass a GAA with a blank…He’s lying,” sabi ni Pangulong Marcos.
Argumento pa ng Punong Ehekutibo, hindi pa ito nangyari sa kasaysayan ng bansa, at alam dapat ito ng dating presidente.
“He’s lying because he knows perfectly well that doesn’t ever happen. Sa kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ng GAA nang hindi nakalagay kung ano yung project at tsaka ano yung gastos, ano yung pondo,” anang presidente.
Hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na silipin ang 4,000-page national budget na nakalathala sa website ng Department of Budget and Management (DBM) para makita nila kung may blangkong items o wala.
“Hanapin n’yo yung sinasabi nila na blank check. Tingnan ninyo kung meron kahit isa para mapatunayan na tama ang sinasabi ko, kasinungalingan ‘yan,” sabi ni Pangulong Marcos.




