Ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) at Department of Budget and Management (DBM) na palawakin ang Rice-for-All at P29 per kilo rice programs sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo Program.
Sa social media post, inatasan ng pangulo ang DA at National Irrigation Administration (NIA) na tiyaking may access ang mga Pilipino sa abot-kayang bigas.
Nais din ng Punong Ehekutibo na dagdagan ang Kadiwa ng Pangulo centers mula 21 patungong 300 sa kalagitnaan ng 2025. Layunin nitong makapagbigay ng abot-kayang bigas at umabot ang programa sa mas maraming komunidad sa bansa.
Una nang sinabi ng DA na ang full implementation ng P29 rice program para sa vulnerable sector, at ang initial mass trial ay maaaring isagawa sa loob ng susunod na anim na buwan. Ang nationwide full implementation ng programa ay ipapatupad hanggang sa katapusan ng Marcos administration.
Sa ilalim ng programa, kinakailangan ng 69,000 metric tons ng bigas na kayang makapagbigay ng 10 kilos ng bigas kada buwan sa halagang 29 pesos kada kilo, target ang 6.9 million vulnerable households.
Nitong Agosto naman inilunsad ng DA ang Rice-for-All Program kung saan binebenta ang bigas sa halagang P49 sa piling Kadiwa Stores – available ang programa sa lahat ng consumers.




