Pormal na itinurn-over ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang financial assistance mula sa Office of the President (OP) na halagang P50 million sa Albay Provincial Government, at P30 million sa Naga City Government.
Sa kanyang pagbisita sa Camarines Sur, tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy ang paghahatid ng pamahalaan ng tulong para sa pagbangon mula sa kalamidad.
Nais ding matiyak ng punong ehekutibo sa kanyang pagbisita na nasa mabuting kalagayan ang mga evacuees matapos lumubog sa baha ang kanilang mga bahay.
Hinihikayat ng pangulo ang mga evacuees na agad abisuhan ang pamahalaan sa ano man kailangan nila.
Aminado si Pangulong Marcos naging hamon sa paghahatid ng tulong ang baha. Pero nakalatag ang mga sistema para tulungan ang mga biktima lalo na ang pagsasagawa ng relief operations.
Para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Secretary Rex Gatchalian na nasa P56.5 million na halaga ng family food packs ang ipinamahagi sa pamilyang apektado ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Bukod dito, ininspeksyon ng pangulo ang rice fields na nalubog sa baha sa Barangay Causip, Bula, Camarines Sur.
Kaya binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng flood control infrastructure.
Dito ay muling binuhay ni Pangulong Marcos ang ideya na silipin muli ang Bicol River Basin Development Program, isang major regional development program ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1973, pero binuwag noong 1990.
Ang BRBDP ay binubuo ng economic, community, at infrastructure developments sa rehiyon.
Aniya, itutuon ang proyekto sa flood control aspect, at target na masimulan bago o sa taong 2026.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, ang Bicol River Basic Flood Control Project ay updated na nitong Hulyo at ang Korean Eximbank ang handang pumondo nito.
Naghatid din ang DSWD ng cash assistance sa mga evacuees.




