Tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na may sapat na pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para maipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo sa kabila ng pag-alis ng government subsidy sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.
Matatandaang ipinanukala ng Kongreso na bigyan ng zero subsidy ang PhilHealth sa susunod na taon, lalo na at may natitirang P500 billion na reserve funds ang ahensya.
Ayon kay Pangulong Marcos, nasa P100 billion ang kailangan ng PhilHealth para sa annual operations at services nito.
“Let’s go back in the last two years, kung titingnan ninyo ang services na binibigay, ang mga treatments na binabayaran ngayon ng PhilHealth ay nag-expand na nang husto. We’re taking care of more conditions… we’re tending to more people and thats from the budget of 2023 and 2024,” ani Pangulong Marcos.
Paliwanag pa ng Punong Ehekutibo, ang dahilan kung bakit walang subsidiya ang PhilHealth para sa susunod na taon ay dahil umuupo lamang ang pondo sa bank account ng ahensya at hindi nagagamit.
Hinihikayat ni Pangulong Marcos ang PhilHealth na simulan ang digitalization para mapalakas ang processing capacity at maihatid ng maayos ang mga serbisyo.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na kahit walang subsidy ang PhilHealth para sa 2025, mayroon pa rin itong P150 billion surplus mula sa 2024 budget na maaaring magamit para sa subsidy ng mga indirect members.
Dagdag pa ni Herbosa, na siyang chairperson ng PhilHealth Board of Directors, ang subsidy para sa indirect contributors ay nasa P5,000. Kung mayroong 16 million indirect members, kakayanin ng PhilHealth dahil sa P150 billion surplus para bayaran ang P80 billion subsidy sa susunod na taon.
“Sa 2024, 63% lang po ang utilization ng pera na in-allocate ng pamahalaan para sa PhilHealth. Mababa ‘yun, diba? Kung sa atin, lagpak ‘yun—63%. Ibig sabihin nun, nagkaroon sila ng surplus of P150 billion,” sabi ni Herbosa.
“Mas marami pa ‘yung natira niya eh, P150 billion, hiningi natin na P74 billion. ‘Di ba prinesent ko sa Kongreso ay P74 billion subsidy for indirect. Kayang-kaya bayaran ng PhilHealth ‘yung P74 billion dahil may sobra pa from last year,” dagdag pa ng kalihim.
Alinsunod sa Universal Healthcare Act (UHC), sinabi ng DOH na ang PhilHealth ay mayroong reserve fund na P280 billion na katumbas ng dalawang taong halaga ng benepisyo at iba pang operating expenses.
“Mali po ‘yung sinasabi ng mga kumukontra, na walang budget ang PhilHealth. Meron po. Napakalaki po ang [ia-approve] na budget ng Board ng PhilHealth. P284 billion po ang budget for 2025. Ang nawala po ay government subsidy,” ani Herbosa.
Pagtitiyak ng PhilHealth sa publiko na may sapat na pondo para suportahan ang mga benepisyaryo, at tul0y-tuloy ang paghahatid ng serbisyo.





