Naglunsad ang Philippine National Police ng imbestigasyon ukol sa umano’y pekeng solicitation para sa mga biktima ng Bagyong Tino gamit ang Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., nang matanggap nila ang abiso mula sa OCD, ay agad silang nakipag-ugnayan sa ahensya para makapangalap ng impormasyon patungkol sa suspect.
Nagsasagawa na sila aniya ng tracing sa digital footprint at communication channels na ginamit para makapag-solicit ng donasyon.
Inatasan na ni Nartatez ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at Criminal Investigation and Detection Group para matukoy at matugis ang suspek.
Una nang nagbabala ang OCD sa publiko ukol sa isang nagngangalang Jennifer Santos na nagpapanggap na staff member ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV para makapag-solicit ng donasyon para sa mga biktima ng bagyo sa Cebu.




