Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang kanilang Member Portal ay pwede nang ma-access sa pamamagitan ng eGovPH Super App.
Ang eGovPH o e-Government Philippines ay isang mobile application na naglalayong gawing simple ang transaksyon sa pagitan ng pamahalaan at mga mamamayan.
Ayon sa PhilHealth, nakipagtulungan sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para rito.
Ang eGovPH ay ginagamit na rin ng iba pang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Pag-Ibig Fund, lokal na pamahalaan at iba pa.
Ayon kay PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr., ang pagsama sa PhilHealth sa naturang app mahalaga para sa digital transformation journey ng ahensya.
Ito aniya ay isa sa prayoridad para mapabuti ang paghahatid ng serbisyo.
Kaya pinapayuhan ng PhilHealth ang mga miyembro na mag-download ng eGovPH app sa Google Playstore o Apple App Store.
Sa naturang app, maaaring Makita ng mga miyembro ang kanilang membership profile, contribution history, at registered Konsulta provider.





