Pumalo na sa 386,636,641 pesos ang iniwang pinsala sa agrikultura ng tag-init sa Bicol batay sa pinakahuling survey ng Department of Agriculture (DA) Bicol nitong Abril 25, 2024.
Ayon kay Jayson Gonzales, ang Assistant Agricultural Program Coordinating Officer, pinakaapektado ang mga pananim na palay at mais kung saan 9,984 na ang apektadong magsasaka sa buong rehiyon.
Sa anim na probinsya, pinakaapektado ang Masbate na nakapagtala ng 191,100,604 pesos na pinsala at 3,112 na apektadong magsasaka. Sumunod ang Albay na may 83,815,420 pesos na pinsala at 4,591 na apektadong magsasaka, Camarines Sur na may 80,905,215 na pinsala at 1,991 din na apektadong magsasaka, at ang Sorsogon na may 30,815,400 pesos na pinsala at 280 na apektadong magsasaka.
Kaugnay nito, siniguro ni National Irrigation Administration (NIA) Bicol Engineering and Operations Division Manager Engineer Diogemma Rodriguez, patuloy ang kanilang mga ginagawang hakbang para matugunan ito, tulad ng paglagay ng mga patubig o irigasyon sa mga sakahan sa rehiyon na sinimulan ng kanilang opisina nitong nakaraang taon. Patuloy naman daw ang kanilang ibinibigay na tulong sa mga apektadong magsasaka.
Sa kabila ng kinakaharap na problema ng sector ng agrikultura sa Bicol Region, sapat ang suplay ng bigas at mais sa rehiyon kaya wala anila dapat na ipangamba ang konsumidor na magkakaroon ng pagtaas sa presyo.






