ALBAY – Binisita ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang Police Regional Office 5 sa Legazpi City nitong Hunyo 25, 2024.
Pinangunahan ni Marbil ang ilang aktibidad kabilang na ang inagurasyon ng bagong Sto. Niño Chapel sa kampo Heneral Simeon Ola.
Bukod dito, pinangunahan din ng PNP Chief ang blessing at turn-over ceremony ng 17 patrol cars, 1 pick-up vehicle at apat na K9 dogs na donasyon ni Sorsogon Governor Edwin Hamor.
Ipagkakaloob ang mga patrol cars sa 15 Municipal Police Stations (MPS) sa Sorsogon. Ang pick-up vehicle naman ay itinurn-over sa Sorsogon Police Headquarters habang ang K9 dogs ay ibibigay sa Sorsogon Police Provincial Office.
Ayon kay Marbil, saludo sya sa mga inisyatibong ito ni Gov. Hamor sa pulisya.
Aniya, malaki ang magiging ambag ng mga donasyong ito lalo na sa pananatili ng peace and order sa naturang probinsya.
Nakatanggap din ang PNP Bicol ng 50 unit ng 5.56MM na basic assault rifle, 30 rounder steel magazines, tactical slings, cleaning kits at instructional manuals mula sa PNP Logistics.
Samantala, may lokasyon nang maaaring pagtayuan ng panibagong opisina ang PNP sa Camarines Sur sa donasyong lupa ng ilang alkalde sa probinsya tulad ng 1,613 square meter na lupa sa Barangay Balatas, Naga City at 1,613 square meter na lupa sa Barangay Sta. Teresita, Baao, Camarines Sur.






