Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng sapat na bilang ng kanilang mga tauhan para magsagawa ng random inspection sa mga pamilihan kung saan ibinebenta ang mga paputok para sa nalalapit na Bagong Taon.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang naturang istratehiya ay bahagi ng kanilang safety measures para tiyaking walang illegal firecrackers at pyrotechnic materials ang maibebenta sa publiko, lalo na sa mga bata.
Ang paggawa at pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ay paglabag sa Republic Act 7183 kung saan aabot sa anim na buwan na pagkakakulong ang parusa.
Pinaigiting na ng PNP ang operasyon laban sa produksyon at pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok kung saan nakapagkumpiska na sila ng 34,000 piraso.
Umapela si Fajardo sa publiko na huwag tangkilikin ang mga paputok at tulungan silang tugisin ang mga nasa likod nito.






