Puspusan na ang paghahanda ng Department of Education (DepEd) Bicol para sa paparating na Palarong Bicol 2024 sa Lungsod ng Legazpi, Albay na magsisimula sa Abril 27 hanggang Mayo 4.
Ayon kay DepEd ROV Regional Director Gilbert Sadsad, nasa 80 hanggang 90 porsyento na silang handa para sa naturang event na inaasahang lalahukan ng nasa higit 6,000 atletang Bicolano mula sa iba’t ibang paaralan sa Kabikulan.
Kabilang sa kanilang inihahanda ay ang mga gagamiting eskwelahan at sports venue, maayos na ventilation sa mga classroom, comfort rooms, at maayos na supply ng tubig at kuryente.
Nasa tatlong milyong pisong pondo ang inilaang pondo para sa pagdadaos ng aktibidad.
Bukod dito, tinututukan din ng DepEd Bicol ang banta ng El Niño kaya magkakaroon ng adjustment sa pagsasagawa ng sports event.
Dahil matindi ang init mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, maaaring gawin ng mas maaga ang mga sports event. Sinisilip ding gawin ito ng alas-5:00 ng hapon.
Para sa seguridad, nakikipagtulungan na sila sa Philippine National Police Regional Office V para sa seguridad at kaligtasan ng mga manlalaro.




