Binigyang diin ni dating Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na dapat isama sa disaster mitigation plan ng pamahalaan ang pangangalaga at pagprotekta sa Sierra Madre Mountain Range sa Luzon.
Ito ay matapos ipamalas ng naturang bulubundukin ang kakayahan nito sa pagsangga ng mga pumapasok na bagyo at patuloy na nagpoprotekta sa milyu-milyong buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Abalos, nagsisilbing critical natural barrier mula sa tropical cyclones ang Sierra Madre.
“Now more than ever, we are seeing how important it is to preserve Sierra Madre’s ecosystems. Might as well we call it the lifeblood of our country’s environmental and disaster resilience as time and time again, Sierra Madre has proven that it is not just a mountain range but our shield, our defense against powerful storms which cause floods, landslides, and storm surges,” sabi ni Abalos.
Nanawagan si Abalos sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y illegal logging activities sa lugar, at mapigilan ang mga ganitong aktibidad nas nakakaapekto sa integridad ng bulubundukin.
Hinikayat din ni Abalos ang mga local government units (LGU) na magpatupad ng proactive measures para matiyak na naaalagaan ang mga kagubatan.
Ang Sierra Madre ay 6,283-feet high mountain range na may habang 540 kilometers mula Cagayan Province, hilaga ng Cagayan Valley Region hanggang Quezon Province, timog ng CALABARZON, at itinuturing na ‘backbone’ ng Luzon na nagsisilbing depensa mula sa mapaminsalang mga bagyo.
Ang iba’t ibang taas ng bulubundukin ang bumabasag sa mga bagyong pumapasok sa bansa mula sa Karagatang Pasipiko, pinapahina ang mga hangin at pinapakalat ang ulang dala nito.
Tuwing Setyembre 26 ng bawat taon, ginugunita ang “Sierra Madre Day” sa ilalim ng Presidential Proclamation 413 ni dating Pangulong Noynoy Aquino.





