Kulungan ang bagsak ng ikinokonsiderang Most Wanted Person sa Bicol matapos maaresto ng awtoridad sa isang subdivision sa Barangay San Vicente, Sto. Tomas, Pampanga dakong alas-4:30 ng hapon nitong Mayo 26, 2024.
Kinilala ang suspek na sina Randy Villar y Flores, alyas “Bong”, nasa tamang edad, driver, nakatira sa Purok 5, Barangay San Bartolome, Sto. Tomas, Pampanga na itinuturing na Rank 10 Most Wanted Person sa Bicol sa kasong murder.
Si alyas “Bong” ay suspek sa pamamaril na ikinasawi ng dati nitong kabarangay sa Barangay Canunday, bayan ng Baleno, Masbate nitong Enero 19, 2024 na nag-ugat diumano sa away sa pera.
Matapos ang krimen ay nagtago ang suspek pero nahuli sa ikinasang manhunt operation ng pinagsanib-pwersa ng Baleno Municipal Police Station (MPS), Masbate Police Provincial Unit, Pampanga First PMFC, Provincial Intelligence Team Pampanga at Regional Intelligence Unit 3 sa bisa ng warrant if arrest na pinalabas ni Honorable Judge, Albie Zulbito Alba ang presiding judge ng Branch 48, Masbate City noong Pebrero 26, 2024.
Nasa kustodiya na ng Baleno MPS ang suspek para sa tamang disposiyon at dokumentasyon.






