MASBATE – Nalambat ng mga awtoridad ang isang lalaking ikinokonsiderang Regional Most Wanted Person sa Batangas matapos ang dalawang dekadang pagtatago sa batas sa ikinasang operasyon ng awtoridad sa Sitio Intramuros, Barangay Poblacion District 1, Claveria, Masbate nitong Hunyo 16, 2024.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Leo’, 66-anyos, may-asawa, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar, na inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47 ng Rosario, Batangas noong Hunyo 9, 2024 para sa kasong rape.
Subalit ikinagulat ng suspek ang pagkaka-aresto sa kanya dahil sa pagkaka-alam diumano niya ay wala naman siyang kinakaharap na kaso.
Gayumpaman, nasa kustodiya na ng Claveria Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon.






