Narekober ang isang umano’y debris mula sa isang rocket na may Chinese markings sa baybayin ng Barangay Saoit, bayan ng Burgos, Ilocos Norte, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, nagsasagawa ng mobile at foot patrol ang Coast Guard Sub-station (CGSS) Burgos bilang bahagi ng “Paalala sa Mangingisda sa Panahon ng Bagyo” information drive sa harap ng banta ng Bagyong Uwan nang madiskubre ang naturang debris.
Nakipag-ugnayan ang CGSS Burgos sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa maayos na pagrekober at paghawak sa naturang debris.
Tiniyak ng Coast Guard ang kaligtasan ng mga lokal na mangingisda at mga residente sa lugar. Hinimok din sila na panatilihin ang distansya mula sa rocket debris habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng assessment at validation.
Nitong Nobyembre 3, 2025, nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko sa Northern Luzon patungkol sa posibleng debris mula sa rocket na inilunsad ng China.





