Kumpiyansa ang lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso na ang House Bill 10800 o 2025 General Appropriations Act (GAA) ay maipapasa sa lalong madaling panahon.
Ito ang tiniyak nina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez kasabay ng 6th LEDAC meeting nitong Miyerkules, Setyembre 25, 2024.
Ayon kay Romualdez, titiyakin nilang maipapasa sa ikatlo’t huling pagbasa ang panukalang budget at maipasa agad sa Senado.
”Ito ang pinakaimportanteng batas na hinaharap po natin sa Kongreso at mataas ang kumpiyansa ko na matatapos natin itong gabi dahil sa pagkacertify ng Malacañang,” sabi ni Romualdez.
Para kay Escudero, hihintayin nilang maipasa sa kanila ang budget mula sa Kamara, habang patuloy ang deliberasyon ng Senate Finance Committee.
”Inaantabayan namin ang pagbibigay sa amin ng approved version o tinatawag GAB o General Appropriations Bill galing sa Kamara upang magsimula na ang talakayan kaugnay ng 2025 budget sa plenaryo ng Senado,” ani Escudero.
Sinabi ni Escudero na ‘on schedule’ ang mga pagdinig ng komite at inaasahang maaaprubahan ito ng may sapat na panahon para mabasa at mabusisi ni Pangulong Bongbong Marcos.
Matatandaang sinertipikahang urgent ni Pangulong Marcos ang panukalang 2025 National Expenditure Program (NEP), o proposed P6.352 trillion national budget.





