LEGAZPI CITY, ALBAY – Nakatakdang ilunsad ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) sa pamamagitan ng Strategic Health Assistance Management Unit (SHAMU) at Information Communication Technology (ICT) Unit ang unang medical assistance information system sa rehiyon na Salud Bikolnon Medical Assistance Information System (SBMAIS).
Nagsagawa ng pilot testing nitong Oktubre 17, ang ahensya sa anim na ospital sa rehiyon, kabilang na ang Legazpi City Hospital, Camarines Norte Provincial Hospital, Sorsogon Provincial Hospital, Estevez Memorial Hospital, Tanchuling General Hospital, and Jaime B. Berces Memorial Hospital.
Ayon sa DOH Bicol, halos dalawang buwan ang ginawang brainstorming at pag-develop ng system ng in-house na ICT team, bago ipinakilala ang SBMAIS para itala ang paggamit ng mga pondo ng Medical Assistance to Indigent Patients and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIPP) ng mga partner na ospital ng ahensya para sa mas maayos na ulat.
Gumagamit ito ng isang secure at maayos na information system na naglalayong mapadali ang pagbibigay ng tulong medikal sa mga pasyenteng mahihirap at may kapansanan.
Opisyal na ilulunsad ang SBMAIS sa Nobyembre 10, 2023, kasabay ng MAIFIP Program Year-end Implementation Appraisal, kaya tiniyak ng Bicol CHD na palalawakin pa nito ang sistema para sa paggamit ng 80 ospital nito sa MAIFIPP.






