ALBAY – Agad rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang motorista matapos sumemplang sa minamanehong motorsiklo sa bahagi ng Barangay Hindi sa bayan ng Bacacay, alas-7:40 ng gabi nitong Mayo 24, 2024.
Kinilala ang biktimang si Rodjun Astonia, residente ng lungsod ng Legazpi at ang kasalukuyang punong guro ng Lower Bonga Elementary School sa naturang bayan.
Batay sa impormasyon, mula sa pinagtatrabahuhang paaralan, pauwi na sana ang biktima, subalit isang aso ang bigla na lamang umanong tumawid sa kalsada na nauwi sa kanyang pagkakaaksidente.
Sa lakas ng pagkakabagsak ng biktima, nasira ang suot nitong helmet. Nagtamo ng sugat sa mukha at katawan ang biktima na agad namang isinugod sa ospital sa Tabaco City.
Hindi ito ang unang beses na may naaaksidente dahil sa tumatawid na aso.





