Muling siniguro ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mas palalakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa, partikular sa Camarines Sur.
Sa kanyang talumpati sa Pili, Camarines Sur, naniniwala si Pangulong Marcos na kayang baguhin ang buhay ng bawat Pilipino kapag tututukan ang pagpapalago ng sektor ng agrikultura.
Kabilang sa long-term plans ng Department of Agriculture (DA) ay ang pagpapatayo ng farm-to-market roads, pagpapalawak ng fishery at agricultural lands, pagpapahusay ng irigasyon at iba pang imprastraktura.
Isinusulong din ng DA ang science-based at climate resilient farming technologies maging ang pagpapatayo ng agro-processing facilities sa Strategic Agricultura at Fisheries Development areas.
Kabilang din sa inisyatiba ng DA ang pagpapalawig ng financial assistance sa mga magsasaka tulad ng loans, insurance, upang makahikayat ng mamumuhunan sa naturang sektor.
Nakatuon din ang pamahalaan sa sektor ng pangingisda sa Camarines Sur, kung saan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay nagbibigay sa mga mangingisda ng tatlong units ng motorized Fiber Glass Reinforced Plastic boats.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, magbibigay ang national government ng higit 617 farm machineries at equipment na nagkakahalaga ng 20.66 million para mapahusay ang agriluture production ng probinsya.
Iniulat din ng pangulo ang pagkumpleto ng walong farm-to-market roads, habang siyam pa ang patuloy na itinatayo sa iba pang bahagi ng Bicol Region.





