Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) inilipat na sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Shiela Guo, ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, inilagay muna nila sa NBI Custody si Shiela dahil sa may nakikita silang security concerns.
“And since ang operations natin is joint with NBI and BI, nakita natin na mas magiging mabuti kung nandoon po siya sa kustodiya ng NBI,” sabi ni Sandoval sa isang panayam sa telebisyon.
Pero nilinaw ni Sandoval, nananatili pa rin sa BI ang legal custody ni Shiela dahil nahaharap pa rin siya sa deportation case para sa misrepresentation at undesirability.
Pagtitiyak din ni Sandoval na walang ibibigay na special treatment kay Shiela habang nasa NBI Custody.
Matatandaang binawi ng Senate Committee on Women and Children, Family Relations and Gender Equality ang contempt order laban kay Guo at ipinag-utos ang paglipat sa BI.
Si Shiela ay nahaharap sa reklamong Disobedience to Summons ng Senado at umano’y gumagamit ng pekeng Philippine Passport. Kabilang din siya sa respondent sa money laundering complaint laban kay Alice Guo sa Department of Justice (DOJ).





