Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na patuloy na sumunod sa minimum health standards para maiwasan ang pagkalat ng sakit na Flu o Influenza bagama’t hindi pa lumalala ang sitwasyon ng nasabing sakit sa bansa.
“Spread fun, not flu,” ito ang naging pahayag ni Department of Health (DOH) Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Medical Specialist III Dr. Joanne de Jesus-Cornejo habang kaniyang ibinabahagi ang ilang mahahalagang impormasyon kung paano makakaiwas at magagamot ang sakit na trangkaso.
Binigyang-diin ni Cornejo na kahit ang malulusog na indibidwal, anumang edad ay maaaring magkasakit ng trangkaso.
Dahil dito, hiniling niya sa publiko na magsuot ng mask, panatilihin ang social distancing, palagiang linisin ang mga kamay at kung maaari ay iwasan ang mga mataong lugar na walang maayos na bentilasyon.
Bagamat may presensya ng Respiratory Syncytial Virus (RSV) at kaso ng influenza, hindi pa naman lumalampas sa alert level ang estado nito sa bansa.
“Though for me, parang hindi naman siya masyadong nakakatakot because it’s not out of the ordinary na maraming RSV at influenza this month kasi tag-ulan na, so nasa expected seasonality naman siya” saad ni Cornejo.
Gayunpaman, idiniin ni Cornejo na huwag ipasawalang bahala ang trangkaso dahil isa itong “highly contagious” respiratory disease.
Dulot ng influenza virus, ito ay makakaapekto sa ilong, lalamunan, at baga at maaaring humantong sa malubhang sakit.
Sa Pilipinas, binanggit ni Cornejo na ang RITM ay mahigpit na sinusubaybayan ang Influenza-like Illness (ILI), na isang acute respiratory infection kung saan nakakaranas ng lagnat at ubo ang isang indibidwal na tumatagal ng sampung araw.
Dagdag pa niya, sinusubaybayan din ng ahensya ang mga kaso ng Severe Acute Respiratory Infection (SARI), kung saan ang mga pasyente ay nagpapakita ng mga sintomas ng ILI at nangangailangang gamutin sa ospital.
“In [the] SARI surveillance, we obtain nasal swab specimens from patients to identify viruses that test positive,” paliwanag ni Cornejo.
Base sa ILI surveillance data ng Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre 2023, ang pandemic influenza (H1N1) ang pinaka pangkaraniwang strain sa 30% na sinusundan ng SARS-CoV sa 28%, Influenza B sa 18.3 %, RSV-B sa 4.1%, pana-panahong trangkaso, at RSV-A sa 1.3%.
“There are also cases na may co-infection, meaning sa isang specimen, we detected two respiratory viruses (There are also cases of co-infection, which means that in one specimen, two respiratory viruses were detected) and there were increased numbers of respiratory infection and respiratory illness from around August to September.” saad ni Cornejo.
Ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng influenza ay trangkaso na may pananakit ng lalamunan, sipon o baradong ilong, ubo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, at pagkapagod.
Maaari itong kumakalat sa pamamagitan ng person-to-person contact sa droplet transmission tulad ng pag-ubo, pagbahing, at pagsasalita.
Sinabi pa ni Cornejo na ang trangkaso ay “pinakanakakahawa” sa loob ng unang tatlo hanggang apat na araw ng mga sintomas, at maging ang mga batang may trangkaso ay maaaring manatiling nakakahawa hanggang sa isang linggo.
Para sa mga indibidwal na may trangkaso, inirerekomenda ni Cornejo na uminum ng tubig at kumain masustansyang pagkain, limitahan ang pakikipag-ugnayan sa iba at ayusi ang pag-ubo upang hindi na makahawa pa.
“Mainly, ang influenza infection is symptomatic treatment and supportive treatment, so kung ano yung symptoms niyo ay ‘yun ang iinuman nyo ng gamot (Mainly, influenza infection is treated with symptomatic and supportive treatment, so you’ll take medication based on your symptoms),”dagdag ni Cornejo.
Mahalaga din ang taunang pagbabakuna sa trangkaso para sa lahat, simula sa anim na buwang gulang.
Paalala ni Cornejo sa publiko, na kailangang ugaliin ang maayos na pangangalaga ng katawan upang maiwasan ang nasabing sakit.






