Naghahanap ang Social Security System (SSS) ang iba pang opsyons para tulungan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa pagbabayad ng kanilang minimum monthly contribution.
Sa kasalukuyan, ang SSS members ay kailangang makahulog ng nasa 120 monthly contribution para makwalipika para sa lifetime pension pagkaretiro.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, mahalaga para sa mga 4Ps beneficiaries na magkaroon ng SSS contributions.
Kapag nakabuo sila ng kahit 120 buwanang kontribusyon, makatatanggap na sila ng buwanang pensyon mula sa SSS pagsapit ng kanilang retiring age na 60-anyos.
Plano rin ng SSS na makipag-ugnayan sa mga kumpanya hinggil sa kanilang corporate social responsibility programs para suportahan ang kontribusyon ng 4Ps beneficiaries.
Sa ilalim ng Contribution Subsidy Provider Program (CSPP), ang private o government individual o grupo ay maaaring i-subsidize ang monthly contribution ng piling SSS members.
Sinisilip din ng SSS na babaan ang minimum monthly SSS contribution mula sa P570 sa mas manageable na halaga, pero punto ni Macasaet na kapag binabaan ang monthly premium ay bababa din ang benepisyo.
Ang mga SSS members na nagbabayad ng monthly premium na P570 para sa 120 months o 10 taon ay entitled para sa lifetime pension na nasa P2,200 kada buwan.





