ALBAY – Pormal na nagtapos ang Sarung Banggi Festival sa bayan ng Sto. Domingo, Albay nitong Lunes, Mayo 27, 2024.
Ang tema ng selebrasyon: “Guirumdumon, Ugalion, Padabaon”.
Makukulay na costumes, props, hataw at indak na sinabayan ng magagandang musika at pailaw ang ipinamalas ng mga Domigueños sa Street Dance and Parade of Lights Competition.
Sinimulan ang parada sa Barangay San Roque patungo sa boulevard ng Barangay Pandayan.
Nasa 15 grupo ang naglaban-laban mula sa 23 barangay at itinanghal na kampeyon ang Barangay San Andres kung saan naiuwi rin nila ang Best in Music at Best in Lights.
Mula naman sa Barangay Del Rosario ang Best in Festival Queen. Best in Street Dance ang Barangay San Juan. Best in Costume ang Barangay Sta. Misericordia na itinanghal din na 2nd Runner Up, habang 1st Runner Up ang Barangay San Juan.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Bicol Director Herbie Aguas na buhay na buhay pa mag-pahanggang sa ngayon ang Sarung Banggi Festival na kaniyang nasimulan.
Namangha naman si Mayor Jun Aguas sa galing at pagkakaisa na ipinapakita ng kaniyang mga mamamayan.
Samantala, ito ang ika-22 na taong ipinagdiriwang ang Sarung Banggi Festival na layuning patuloy na alalahanin ng bayan ang kantang Sarung Banggi na sinulat ni Potenciano Gregorio na tubo sa naturang bayan.






