Inihahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghahain ng kasong attempted homicide at direct assault laban sa driver ng Sports Utility Vehicle (SUV) na inilagay sa alanganin ang buhay ng isang traffic enforcer.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa bahagi ng Sales – East Service Road sa Barangay Western Bicutan, alas-9:00 ng umaga nitong Agosto 27.
Unang binangga ng SUV ang isang ride-hailing motorcycle na may sakay na pasahero. Inilagay ng rider ang kanyang motorsiklo sa harapan ng SUV para harangan ito.
Dito rumesponde ang traffic enforcer na si Allan Harry Sadiua pero dinedma siya ng SUV driver at pinaandar ang kotse.
Hinabol ni Sadiua ang SUV na nakorner ito at tumayo sa harapan ng SUV para mapigilan ang driver na makatakas. Pero umandar pa rin ang SUV habang nakasampa sa hood si Sadiua at nakaladkad ng 500 metro mula sa pinangyarihan ng insidente.
Nagawa ng traffic enforcer na makabitaw sa SUV dahil sa mabagal na trapiko.
Ayon kay MMDA Chairperson Don Artes, lumutang sa kanilang tanggapan ang driver at humingi ng patawad hinggil sa insidente.
Nakiusap sila sa Land Transportation Office (LTO) na magpataw ng kaukulang parusa laban sa SUV driver.
Panawagan ng MMDA sa mga motorista na igalang ang mga traffic enforcers na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin para pangasiwaan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.






