Nasawi ang isang binatilyo matapos na malunod sa ilog sa Sitio Anislag, Barangay Soa, Malinao, Albay alas-2:30 ng hapon nitong Linggo, April 1, 2024.
Kinilala ang biktimang si Mark Darren Bonavente Belenzo, 25-anyos, graduating student sa kursong Secondary Education sa San Jose Community College at residente ng Purok 3, Barangay San Lorenzo, Tabaco City.
Ayon sa kaibigan ng biktima na kasama nitong maligo sa ilog, nakita niya pang lumalangoy ang biktima subalit makalipas ang ilang minuto ay hindi na niya ito makita pa dahilan upang humingi na sya ng saklolo sa mga residente ng lugar.
Natagpuan na lamang ang biktima 100 metro ang layo mula sa bahagi ng ilog na pinagliguan nito.
Sinubukan pa itong isugod sa Ziga Hospital sa Tabaco City pero hindi na umabot pa ng buhay.
Pag-aamin ng kaibigan ng biktima, kapwa sila nakainom.
Sa Gubat,Sorsogon, dead-on-arrival ang isang pulis matapos na malunod sa dagat sa Barangay Buenavista alas-6:30 ng umaga parehong araw.
Kinilala ang biktimang si Patrolman Joseph Matociño Agnote, 26-anyos residente ng Barangay Sogoy, Castilla, Sorsogon at miyembro ng 503rd Mobile Company Regional Mobile Force Battalion 5.
Batay sa impormasyon, nagtungo ang biktima sa isang resort sa naturang lugar kasama ang limang iba pa. Nagkayayaan sila na maligo sa dagat, pero napansin ng isang kasamahan na hindi na umahon ang biktima.
Agad namang rumesponde ang mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) Gubat Sub Station at Gubat Municipal Police Station (MPS) at sinubukang i-revive ang biktima pero binawian din ito ng buhay.
Samantala sa Bacacay, Albay, muntikan nang malunod ang 5-taong gulang na batang lalaki sa isang resort sa Barangay Panarayon alas-3:45 ng hapon.
Maswerte itong naagapan ng mga nakatalagang kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at agad binigyan ng first aid ng grupo ng Albay Emergency Medical Services at isinugod ang biktima sa Legazpi City Hospital.




