Inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na tiyakin ang tibay ng mga materyales para sa infrastructure projects.
Sa kanyang pagbisita sa Legazpi City, Albay, sinabi ni Marcos na sa hakbang na ito, makakasigurong matibay ang mga imprastraktura laban sa matitinding kalamidad.
Partikular na ibinigay ng pangulo ang direktiba sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang ahensya na tiyaking ligtas, matibay, at dekalidad ang mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng mga imprastraktura.
Binigyang diin din ng punong ehekutibo ang pagpapatupad ng modernong disenyo ng mga kalsada at tulay sa bansa.
Ang Office of the President (OP) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagbigay ng P50 million na halaga ng financial aid sa lalawigan ng Albay bilang tulong na makabangon mula sa hagupit ng Bagyong Kristine.
Nasa 10,000 pesos ang ipinaabot ng pangulo sa 36 piling benepisyaryo mula sa 3 siyudad at 15 munisipalidad sa Albay.




