Ibinalik ng sikat na video-sharing platform na TikTok ang serbisyo nito sa mga user sa Estados Unidos.
Ito ay matapos mawala panandalian ang social media app bilang tugon sa isang federal ban, kung saan tiniyak ni President-elect Donald Trump na pahihintuin ang bisa nito sa pamamagitan ng Executive Order sa kanyang unang araw sa opisina.
Ayon kay Trump, mag-iisyu siya ng kautusan para mabigyan ang China-based parent company ng TikTok na makahanap ng approved buyer bago maging epektibo ang ban.
Matatandaang milyu-milyong U.S. TikTok users ang nadiskubreng hindi na nila ma-access ang kanilang naturang social media platform.
Inihayag ng TikTok na nagpatupad sila ng shut down ng platform dahil sa federal law na nangangailangan sa kanilang parent company na ByteDance na ibenta ang U.S. operation nila. Tinanggal din ng Google at Apple ang TikTok sa kanilang digital stores.
Batay sa naturang federal law, kinakailangan ng ByteDance na putulin ang koneksyon nito sa kanilang U.S. operations dahil sa national security concerns.
Pero may kapangyarihan ang sitting president na magbigay ng 90-day extension kung mayroong viable sale na nangyayari.
Bagamat may ilang investors na naghayag ng interes, nanindigan ang ByteDance na hindi nila itong ibebenta.





