Nagtipon-tipon ang mga driver at operator na tumalima sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) para ikasa ang unity walk bilang pagprotesta sa resolusyon ng Senado na suspendihin ang naturang programa.
Isinagawa ang aktibidad sa Welcome Rotonda sa Quezon City na nilahukan ng Angat Kooperatiba at Korporasyon ng Alyasang Pilipino (AKKAP MO) at nagmartsa sila patungong España Boulevard sa Maynila.
Dito ay hinarang sila ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), pero matapos ang isinagawang negosasyon ay pinayagan silang magprotesta at ituloy ang kanilang unity walk patungong Mendiola malapit sa Malacañang.
Panawagan ni AKKAP President Ed Comia kay Pangulong Marcos na huwag pakinggan ang rekomendasyon ng Senado at patuloy niyang iusad ang PUVMP.
Sa datos ng MPD, nasa 100 sasakyan at 300 miyembro ng AKKAP MO at San Pedro Transport Cooperative ang nagtipon-tipon sa Welcome Rotonda, ayon sa MMDA.
Bukod dito, naglunsad din ng strike ang ilang driver at operator sa San Jose del Monte, Bulacan, Antipolo at Montalban, Rizal at sa Caloocan at Las Piñas.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay magbibigay ng libreng sakay sa mga commuter na maaapektuhan ng strike at unity walk.
Mababatid na 22 mula sa 23 senador ang lumagda sa naturang resolusyon kung saan hinihikayat ang pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang PUVMP.





