Nakatakda ngayong araw, Disyembre 22, 2023 ang isang astronomical event na kilala bilang ‘Winter Solstice’ kung saan tanda ito ng maikling araw at paghaba ng gabi.
Paliwanag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naabot ng araw ang pinakatimog na bahagi ng langit nitong 11:27 ng umaga.
Nangangahulugan lamang nito na maikli ang araw habang mahaba ang gabi pagdating sa daylight hours sa northern hemisphere.
Ang araw ay sumikat ng 6:16 ng umaga, at papalubog ito ng 5:32 ng hapon, ibig sabihin ang mga Pilipino ay nagkaroon lamang ng liwanag ng araw sa loob ng 11 hours at 16 minutes.






